Miyembro umano ng NPA, sumuko sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2017 05:49 PM

PALAWAN - Isang lalaking nagpakilalang miyembro ng New People's Army ang sumuko sa Western Command dahil napagod na ito na makipaglaban sa mga awtoridad. 

Kinilala ang lalaki sa alyas na Ka Cedric, Ka Lovely o Ka Rocky, na sumuko sa Western Command noong Huwebes ng gabi. 

"Napagod na raw po siya makipaglaban. At ginawa niya ito para na rin sa kaligtasan niya at ng pamilya niya," ani Capt. Cherryl Tindog.

Agad namang isinailalim sa medical check-up si Ka Cedric.

Nakatakda itong isama bilang benepisyaryo ng local social integration program at comprehensive local integration program ng pamahalaan.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang pursuit operation ng Western Command sa mga pinaghihinalaang miyembro ng NPA sa Palawan matapos ang sunod sunod na insidente na kinasangkutan ng mga rebelde.

Kumpiyansa ang Western Command na madadagdagan ang nagbabalik loob sa lokal na pamahalaan lalo na at magpapatuloy umano ang opensiba ng militar laban sa mga miyembro ng NPA sa Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.