4 sugatan sa magkakahiwalay na banggaan sa Makati at Maynila

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Aug 01 2017 05:25 AM

Apat ang sugatan sa magkakahiwalay na banggaan sa Makati City at Maynila nitong nakalipas na magdamag.

Isang motorcycle rider ang nabalian ng kanang braso matapos magulungan ng isang trak sa Magallanes flyover sa Makati City.

Hindi pa nakilala ang lalaking biktima na sakay ng kulay pulang Honda na motorcycle at walang plaka.

Ang biktima ay pumailalim sa gulong ng trak na may plakang RLV 424.

Kwento ng drayber ng trak na si Nicole Singian, 26 anyos, galing siya sa Porac, Pampanga at papunta sanang Batangas nang biglang sumingit ang motorsiklo sa gilid ng kanyang trak.

Dahil nasa gilid ng flyover, hindi na umano nagawang iwasan ni Singian ang biktima.

Hinala naman ng imbestigador, maaaring iniwasan ng biktima ang nakitang malalim na lubak sa daan, kung kaya kumabig ito sa direksyon ng trak.

Patuloy pa din ang imbestigasyon ng Makati Traffic and Parking Bureau sa insidente.

Nahaharap naman si Singian sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries.

Sugatan naman sa binti ang isa pang motorcycle rider matapos masagi ng isang SUV sa EDSA flyover papuntang Kalayaan Avenue sa Makati City.

Hindi pa din nakilala ang nasabing biktima at parehong dinala ang mga ito sa Ospital ng Makati.

Samantala, kritikal naman ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo nang mabangga ng delivery truck sa Roxas Boulevard corner Katigbak Drive sa Maynila.

Magkahiwalay na dinala sa Philippine General Hospital at Ospital ng Maynila ang mga biktimang sina JR Toling at Ariel Tejada na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo dahil wala silang suot na helmet.

Aminado ang mga kaibigan ng dalawang biktima na galing sila sa inuman bago nangyari ang insidente.

Batay sa imbestigasyon, nag-beating the red light ang mga biktima nang mabangga. - Ulat mula kina Michael Delizo at April Rafales, ABS-CBN News; DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.