TINGNAN: Isabela inuulan na dahil kay 'Carina'

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2016 11:44 AM

MANILA - Nagsimula nang makaranas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Isabela habang palapit ang Bagyong Carina sa lalawigan.

Sabado pa nang gabi nararanasan ang tuloy-tuloy na buhos ng mahina hanggang sa katamtamang ulan sa Isabela.

Pero ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, wala pang naitatalang pagbaha sa probinsya hanggang pasado ala-7 Linggo ng umaga.

Bagama't tumataas na ang mga tubig sa ilog, wala pa rin umanong naitatalang paglubog ng mga overflow bridge.

 

Ayon sa abiso ng PAGASA ala-5 Linggo ng umaga, huling namataan si Carina sa layong 205 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.

Bahagyang lumakas ang bagyo, taglay ang lakas ng hangin na 85 kilometer per hour (kph) malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 100 kph.

Kung magpapatuloy ang pagkilos ni Carina nang 20 kph pa-hilagang kanluran, inaasahang tatama ito sa kalupaan ng Isabela o Cagayan, sa pagitan ng alas-4 ng hapon at ala-6 ng gabi.

Nakataas na ang public storm warning signal number 2 sa Isabela pati na rin Ilocos Norte, Apayao, Kalinga, Abra at Cagayan kasama na ang Babuyan Group of Islands.

Umiiral naman ang signal number 1 sa Ifugao, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Mt. Province, Nueva Vizcaya, Quirino at Aurora.

-- Ulat ni Ricalyn Fernandez Caniedo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.