Ika-30 taon ng DZMM, ginunita sa Grand Kapamilya Day

ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2016 11:57 AM

MANILA - Minarkahan ng DZMM ang ika-30 taon nito ng pagbabalita at serbisyo-publiko sa pamamagitan ng Grand Kapamilya Day sa Malate, Maynila Linggo.

Pinangunahan ni ABS-CBN Integrated News and Current Affairs head Ging Reyes ang pagbubukas ng selebrasyon sa San Andres Sports Complex.

Pangako ni Reyes sa mga taga-subaybay ng DZMM, asahan pa ang mas pinaigting na pagbabalita ng istasyon.

Kaugnay ng naturang pangako, pinasinayaan ni Fr. Jerome Marquez, anchor ng Salitang Buhay sa DZMM, ang pagbabasbas sa kauna-unahang outside broadcast (OB) van ng DZMM.

Maghahatid ang OB van ng mas pinagandang audio-visual news para sa DZMM viewers.

Alinsunod naman sa DZMM motto na "Una sa balita, una sa public service," naghandog ang istasyon ng sari-saring serbisyo-publiko sa anibersaryo nito.

Ilan lang sa mga serbisyong tampok sa Grand Kapamilya Day ang mga libreng konsultasuong medikal at legal, mga seminar na pang-negosyo, dermatological services gaya ng diamond peel, mga libreng pananim at bagsak-presyong bilihan ng gulay.

Nagpa-raffle din ng mga premyo ang DZMM programs na "Failon Ngayon," "My Puhunan," "Salamat Dok", "Kabayan," "Dos Por Dos," at "Usapang De Campanilla".

Kabilang sa mga nakiisa sa pagdiriwang ang mga DZMM anchors at reporters na sina Karen Davila, Julius Babao, Ahwel Paz, Winnie Cordero, Dr. Bless Salvador, May Valle-Ceniza, Dr. Carl Balita, DJ Richard Enriques, Atty. Joey Lina, Dr. Lulu Marquez, Jing Castañeda at maraming iba pa.

Hindi bababa sa 1,000 Kapamilya ang nakisaya sa Grand Kapamilya Day, kasama na ang masusugid ng taga-suporta ng DZMM.

Bukod sa Grand Kapamilya Day, bahagi din ng year-long anniversary celebration ng istasyon ang naunang paglulunsad ng DZMM 30th anniversary logo, bagong Station ID tampok si Piolo Pascual at espesyal na segment na "Kwento ng Tatlong Dekada" na nagbabalik-tanaw sa mga hindi malilimutang balita ng DZMM.

-- May mga ulat nina Jasmin Romero at Jeanyn Santiano, ABS-CBN News; Zhander Cayabyab, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.