4 preso sa Misamis, nakamit ang diploma mula sa kulungan

Greanne Mendoza, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2016 04:36 PM | Updated as of Jul 31 2016 04:46 PM

MISAMIS ORIENTAL -- Hindi naging hadlang ang pagkakakulong para makapagtapos sa pag-aaral ang apat na inmates ng El Salvador City Jail sa Misamis Oriental.

Kabilang ang apat sa mahigit 138 out-of-school youth na nagtapos ng high school ngayong Linggo sa tulong ng Alternative Learning System (ALS).

Isa sa kanila si alyas "Dodong" na halos apat na taon nang nakakulong sa El Salvador City Jail dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Kwento niya, itinutiring niyang malaking biyaya ang pagkakakulong dahil sa pamamagitan nito ay nakapag-aral siya ng elementarya at high school sa ALS nang libre.

Nabigyan anya siya ng pag-asa sa buhay ng pag-aaral.

Tatlong oras lang kada linggo ang klase ng mga inmate sa multi-purpose hall ng piitan.

Itinuturo sa kanila ng mga kawani ng Department of Education ang mga basic na leksyon sa English, mathematics at science.

Idinaos ang graduation ni Dodong at kanyang mga kasamahan sa El Salvador City Central School ngayong hapon.

Gwardyado at nakasuot ng toga ang apat na inmates -- ang unang pinaakyat sa entablado upang tanggapin ang kanilang diploma.

Ibinahagi ni SJO4 Orson Garcia, warden ng El Salvado City Jail, na pinayagan nilang sumali sa graduation ang mga inmate upang maramdaman nila ang bunga ng kanilang pagsisikap.

Umaasa naman si Dodong na maitutuloy niya ang pag-aaral upang matupad ang pangarap na maging seaman.

Pero sa ngayon, mananatili muna siya sa piitan hangga't hindi pa natatapos ang pagdinig sa kanyang kaso.

Kasalukuyan ding nag-aaral sa pamamagitan ng ALS ang 11 pang preso sa lugar.

PANOORIN: Buhay ng isang Alternative Learning System teacher

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.