TFC News

14 distressed OFWs nakauwi sa tulong ng embahada sa Beirut

Jerome Fadriquela | TFC News

Posted at Jul 30 2022 11:01 PM

BEIRUT - Umabot na sa 14 Overseas Filipino Workers (OFW) ang naiuwi ng Philippine Embassy sa Beirut ngayong Hulyo.

Ang mga Pilipinong pinauwi ay biktima ng physical abuse sa kamay ng kanilang mga amo, runaways na kinupkop sa embassy shelter, at ilang nakulong. 

Repats sa Beirut
Inihatid ni Vice Consul Miko Cabatingan (kaliwa) at Attaché Graciel Dadulla (kanan) ang Pinoy repatriates sa Beirut Rafic Hariri International Airport (BRHIA) nitong July 24. (Beirut PE photo)

Sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy sa Lebanese authorities, nabigyan ng clearance para makauwi ang mga nasabing Pilipino. Nagpasalamat ang mga repatriate sa Philippine Embassy sa kanilang ibinigay na legal at welfare assistance. 

Biktima ng human trafficking ang ilang repatriates. Tumindi pa ang kanilang naranasang kahirapan dahil sa economic crisis ng Lebanon ngayon.

Nitong unang bahagi ng 2022, halos wala na umanong laman ang embassy shelter.

Human Traficking
Mga Pinoy repatriate habang nakapila para mag-check-in sa BRHIA. (Beirut PE photo)

Dahil sa serye ng repatriation ngayong Hulyo, bumaba na sa 98% ang shelter occupancy. Sa kuwento ng mga inabusong OFW, naging talamak ang illegal recruitment patungong Lebanon dahil sa deployment ban ng domestic workers sa bansa mula pa noong 2007.

Si "Leah", hindi niya tunay na pangalan, ay biktima ng human trafficking sa Lebanon noong Mayo 2022 matapos magtrabaho sa tatlong magkakaibang bansa sa rehiyon,

Pisikal daw siyang inabuso isang linggo makalipas dumating sa Lebanon. Agad niyang ini-report sa embassy ang pangyayari.

Binigyan naman siya ng agaran at naaayong legal at repatriation assistance. Ang kanyang kwento ay isa lang sa maraming sumbong na natatanggap ng embassy, documented o undocumented na Pilipinong manggagawa.

Sinusubaybayan at tinitiyak din ng embassy ang kapakanan ng Filipino nationals sa iba't ibang penal facility sa Lebanon. Inuuna ng embassy ang pagbibigay ng ligal na tulong sa kanila. Inaasikaso rin ang kanilang agarang pagpapauwi kapag may clearance na mula sa Lebanese authorities.

Habang naghihintay ng kanilang repatriation flight, tinutulungan sila sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ayon sa Philippine Embassy, bumaba na sa 70% ang bilang ng mga nakakulong na manggagawang Pilipino sa Lebanon matapos ang repatriation flights.

Ang repatriates ay prinoseso ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) paglapag sa Maynila, para sa kanilang quarantine accommodation at onward domestic flights patungo sa kani-kanilang probinsya.

Ang embassy ay patuloy na nag-aalok ng exit clearance endorsement para sa mga undocumented at distressed OFWs. Ang mga biktima ng pang-aabuso ay binibigyan din ng psychosocial at ligal na tulong.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Gitnang Silangan, Europa

Source: DFA website