TFC News

Second batch ng distressed overseas Filipinos mula Lebanon, nakauwi na

Jerome Fadriquela | TFC News

Posted at Jul 30 2021 11:34 AM

BEIRUT – Nakauwi na sa Pilipinas ang pangalawang batch ng distressed Overseas Filipinos mula Lebanon noong July 25, 2021 sa libreng mass repatriation na inorganisa ng Philippine Embassy sa Beirut.

Sa 12 repatriates, anim sa kanila ay runaways na pansamantalang kinupkop sa embassy shelter, dalawang detainees at dalawang menor de edad.

Second batch ng distressed overseas Filipinos mula Lebanon, nakauwi na 1

Mga overseas Filipino repatriate kasama si Philippine Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat at (gawing kanan) Third Secretary at Vice-Consul Miko Cabatingan (Beirut PE Photo)

Lahat sila ay undocumented at mga biktima ng illegal recruitment at human trafficking. Bagama’t naging masalimuot ang kanilang pinagdaanang proseso para makauwi, nagawan pa rin ng paraan ng embahada ang kanilang exit clearance.

Binigyan din sila ng welfare, legal at immigration assistance ng embahada. Tumulong naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa quarantine accommodation ng grupo paglapag nila sa Maynila.

Bibigyan din sila ng pamasahe pauwi sa kani-kanilang mga probinsya matapos ang kanilang quarantine.

Second batch ng distressed overseas Filipinos mula Lebanon, nakauwi na 2

Paalala ng Philippine Embassy sa Beirut, bawal pa rin ang recruitment at deployment ng mga newly-hired Filipino workers sa Lebanon.

Sinisikap ng embahada na mapauwi agad ang mga distressed overseas Filipinos na biktima ng pang-aabuso at ang iba kasama ang mga anak na menor de edad.

Binabantayan ngayon ng Assistance to Nationals Section ng embahada ang political, economic at COVID-19 situation sa Lebanon.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa mga kababayan natin sa buong mundo, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.

Source: DFA website