PatrolPH

P5.2 million 'shabu' na ipinuslit sa birdhouse, sporting goods, nasabat sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2021 03:46 PM

P5.2 million 'shabu' na ipinuslit sa birdhouse, sporting goods, nasabat sa NAIA 1
Ipinuslit sa loob ng birdhouse at sports items ang P5.2 milyong halaga ng droga na nasabat sa pantalan ng NAIA. Courtesy: Bureau of Customs

MAYNILA - Nasabat sa pantalan ng Ninoy Aquino International Airport ang halos P5.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu. 

Ayon sa pahayag na inilabas ng Bureau of Customs ngayong Biyernes, sinabi nilang nahanap ang hinihinalang droga matapos ang routine screening at physical examination. 

Nakapuslit sa loob ng shuttlecock casing, birdhouse, at package ng figure trimmer twister ang mga hinihinalang droga. 

Nakumpirma rin umano ng laboratory analysis report ng Philippine Drug Enforcement Agency na may lamang shabu ang package. 

Itinangka umanong i-export ang droga sa Bahrain, United Kingdom, at Australia. 

Itinurn over na ang mga ito sa PDEA para ma-profile. 

Ayon sa Customs, mahaharap sa kasong droga at paglabag sa Customs Modernization and Tariff act ang mga sangkot dito. 

-- May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.