PatrolPH

Himpilan ng pulisya sa Iloilo isinailalim sa lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2021 01:23 PM

Himpilan ng pulisya sa Iloilo isinailalim sa lockdown 1
Umabot sa 20 mga pulis ang nagpositibo sa COVID-19 mula sa Alimodian Municipal Police Station sa Iloilo kung kaya't kinailangang pansamantalang i-lockdown ang kanilang himpilan.

Pansamantalang naka-lockdown ang Alimodian Municipal Police Station sa Iloilo matapos magpositibo sa COVID-19 ang 20 pulis doon.

Nag-umpisa ang lockdown nitong Huwebes at pansamantalang inilipat sa ABC Hall ng bayan ang transaksyon at ang operasyon ng istasyon matapos magpadala ng dagdag na kapulisan ang Iloilo Provincial Police Office.

Ayon sa lokal na pamahalaan, unang nagpositibo sa virus noong Lunes ang dalawang preso na ililipat sana sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region 6 kaya kaagad na nagsagawa ng swab testing ang Municipal Health Office sa mga close contact ng mga preso.

Lumabas ang resulta ng swab test Huwebes ng umaga at napag-alaman na 20 pulis ang nagpositibo sa COVID-19, kung saan 2 ang opisyal at 18 naman ang Police Non-commissioned officer (PNCO).

Nasa isolation facility na ng istasyon ang mga pulis na nakitaan ng mild symptoms habang naka-strict home quarantine naman ang iba pang pulis na nagpositibo sa COVID-19 at asymptomatic.

- Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.