Task group binuo para imbestigahan ang pagpaslang sa NCMH chief

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 04:36 PM | Updated as of Jul 30 2020 06:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumuo ang Quezon City Police District ng task group na tututok sa imbestigasyon sa pagpatay sa direktor ng National Center for Mental Health at kasamahan nito.

Ayon kay Police Major Elmer Monsalve, hepe ng criminal investigation detection unit (CIDU) ng QCPD, nagsasagawa na ng malalim na imbestigasyon ang Special Investigation Task Group-Cortez at may mga sinisinilip na ring posibleng motibo kaugnay sa pamamaslang kay NCMH director Roland Cortez.

"Nakikita natin na may kaugnayan sa kaniyang trabaho. Sa ngayon, 'yon ngayon... ang motibo," ani Monsalve.

"Matagal na ring siyang nakakatanggap ng pagbabanta sa buhay," dagdag ng pulis.

Napatay si Cortez at kasamahan nitong si Ernesto Delacruz nang tambangan ang sinasakyan nilang sasakyan sa kanto ng Cassanova Drive at Tandang Sora Avenue noong umaga ng Lunes.

Inilabas na rin ng QCPD-CIDU ang composite sketch ng guman, na may taas na 5'4 hanggang 5'5 at paulit-ulit umanong namataan ng mga testigo na pagala-gala sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon kay Monsalve, posibleng 3 hanggang 4 na tao ang responsable sa krimen, at 2 motorsiklo at isang kotse ang ginamit.

Watch more in iWant or TFC.tv

NBI NAG-IIMBESTIGA RIN

Bukod sa pulisya, iniimbestigahan din ng National Bureau of Investigation ang pagpaslang kay Cortez.

Tinitingnan umano ng NBI kung may kinalaman ang pananambang sa dating natatanggap na death threat ng biktima matapos nitong ipaimbestiga ang mga kaso ng korapsyon ng NCMH.

Labing-apat na opisyal ng NCMH ang kinasuhan ni Cortez noong isang taon matapos niyang ipasilip ang P60 milyon na proyekto sa pagpapatayo ng isang pavilion.

Lumabas na nagsabwatan umano ang mga opisyal para i-award ang kontrata sa isang construction company na konektado sa isa sa mga opisyal.

Bukod sa lumagpas sa budget ang proyekto, lumalabas umanong depektibo ang pagkakatayo sa gusali.

Nitong Pebrero, 23 opisyal at empleyado naman ng NCMH ang kinasuhan ni Cortez matapos imbestigahan ang pagbili ng isang CT scan na higit P31 milyon.

Lumabas sa imbestigasyon na nagsabwatan din ang mga opisyal sa pagbili ng CT scan.

Binayaran daw ito agad kahit hindi nasubukan at hindi ito napakinabangan dahil hindi ito nagtugma sa pasilidad ng NCMH.

Bukod pa sa natuklasan niyang sabungan na patagong itinayo sa loob ng NCMH.

Paulit-ulit tumanggi magbigay ng panayam ang mga opisyal tungkol sa mga kaso.

Tumanggi munang magbigay ng panayam ang mga kaanak ni Cortez sa panganib sa kanilang seguridad.

Ayon sa NBI, magpapatuloy pa rin ang mga kasong sinampa laban sa mga opisyal ng pasilidad kahit patay na si Cortez dahil matibay ang nakuha nilang ebidenisiya. -- Ulat nina Doland Castro at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.