SAN JUAN, Batangas - Suspendido ang operasyon ng isang resort sa Barangay Laiya Aplaya sa bayang ito dahil sa paglabag sa patakaran ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Konsehal Meynard Robles, vice chairperson ng San Juan Inter-Agency Task Force, Hulyo 18 nang magkaroon ng mga bisita ang nasabing resort.
Hindi umano dumaan sa tourism reception area ang mga naturang bisita. Kabilang din sa guidelines ng lokal na pamahalaan ang advanced booking sa mga resort at pagkakaroon ng health declaration bago pumunta sa resort.
Ayon kay Municipal Tourism Officer Elsie Sadsad, may isang grupo mula Maynila na nagdala ng mga turista sa bayan.
"Mayroong isang grupo from Manila na nagdala rito ng turista at napatunayan namin na hindi dumaan dito sa tourism office. Usually 'yung dumaraan sa tourism na mga walk-in na galing sa ibang areas, hindi sa MGCQ areas ay pinapabalik po natin," aniya.
Ayon pa sa imbestigasyon ng lokal na pamahlaan, lumabag sa minimum health standards at protocol ang resort at mga bisita nito.
Nakita rin umano sa kuha ng CCTV ng barangay na nasa labas pa rin ang ibang mga bisita kahit pasado alas-10 na ng gabi.
"Nag-iipon-ipon sila without a face mask. Mayroon din naman na, sila rin, nagpost sila ng pictures nila. Sakay sila sa van na punong puno. Di ba dapat at least 50 percent. So sila rin ang nagpopost, 'yung mga naging bisita," paliwanag ni Barangay Chairman Wivin Llana.
Muling pinaalala ng lokal na pamahalaan ng San Juan na hindi pa rin maaaring bumisita ang mga nasa edad 21 pababa at 60 pataas.
Dapat din ay galing sa mga lugar na nasa ilalim na ng modified general community quarantine (MGCQ) ang mga bibisita.
Paraan din umano nila ito upang mapangalagaan ang kalusugan hindi lamang ng mga turista kundi ng komunidad ng San Juan.
Hindi pa nagbigay ng pahayag ang panumuan ng resort na pinagpapaliwanag ng lokal na pamahalaan kaugnay ng kanilang paglabag.
Samantala, nag-iikot na rin umano ang mga barangay officials sa Laiya Aplaya upang matiyak na sumusunod ang mga nagbukas na resort.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
San Juan, Batangas, resort, turismo, general community quarantine, Tagalog news