MAYNILA — Umalma ang ilang mambabatas sa Kamara sa paglusot sa isang komite doon ng panukalang pagbubuwis sa digital transactions.
Ayon sa mga miyembro ng Makabayan bloc, magiging pahirap lang ito sa sambayanan sakaling umusad at maging ganap na batas.
"Regressive, anti-people, isang lazy na paraan para magbuwis sa mga mamamayan," ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite.
"Sa pandemya, dagdag tax na naman ito imbes na ayuda sa ating pamahalaan," ani ACT-Teachers party-list Rep. France Castro.
"Walang puso ang administrasyong ito kung ganito 'yung kind ng batas na ipapasa natin," giit ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Ayon naman sa Kabataan party-list, pabigat ang buwis lalo na at may pandemya at nahihikahos ang halos lahat ng Pinoy.
"Dagdag pabigat lamang sa mga konsyumer ito lalo na sa panahon ng pandemya na nagdulot ng malawakang tanggal-trabaho, kahirapan at krisis pang-ekonomiya," anang grupo.
Pangamba pa ng grupo, posibleng maapektuhan pa ang presyo ng learning materials ng mga estudyante lalo't online na ang magiging klase sa paparating na pasukan.
"Sa panukalang batas na ito, maaari ring sakupin ng papatawan ng VAT ang online maski e-learning na hirap na hirap na ngang abutin ng mayorya ng mga kabataan at kanilang mga pamilya dahil sa kawalan ng laptop, maayos na internet, at mahal na gastos sa load," anila.
Dagdag naman ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, sapul ng panukala ang mga mahihirap na pamilya.
"This proposed tax is another measure that hits the poor and middle class more than the rich and big corporations. If the government really wants to increase its coffers, it should embark on a progressive tax system that taxes the rich more rather than the poor," ani Zarate.
"This proposal is definitely anti-consumer and must be opposed, junked and buried," dagdag niya.
Sa ilalim ng substitute bill na inaprubahan ng House ways and means panel noong Miyerkoles, kabilang sa papatawan na ng value added tax ang sinumang indibidwal o negosyong magkakaroon ng digital o electronic in nature na transaksyon.
Kung tuluyang maisasabatas, posibleng makalikha ito ng dagdag na P10.66 bilyon sa kaban ng bayan, ayon sa chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, tax, buwis, digital transaction, Zarate, Makabayan bloc, netflix