Pagkalat ng bird flu na nadiskubre sa Pampanga, naiwasan sa maagap na askiyon: opisyal

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 02:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Laking pasalamat ng Bureau of Animal Industry (BAI) na hindi na kumalat pa ang nadiskubre nilang bird flu sa Pampanga. 

“Yun po ang ikinatutuwa natin. Isa lang ang na-detect sa July surveillance natin. At yun pong mga paligid na pinagkukuhanan ng commercial farms, backyard farms, negative po lahat sa laboratory,” pahayag ni BAI Director Dr. Ronnie Domingo ngayong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Domingo, tapos na ang problema ng bird flu o H5N6 sa bayan ng San Luis dahil na din sa maagap na aksiyon. 

"Immediately, nagkaroon ng depopulation. Nailibing na po yun. Na-dispose na po yun layers, yung mga itlog, yung feed. Nag-cleaning, nag-disinfection at ‘di na natin itinuturing problema po yun,” sabi ni Domingo sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo. 

Dagdag pa niya, tila natuto na ang mga tao sa mga outbreak na nangyayari sa bansa. 

“Mabilis nang mag-report. Mabilis na rin umaksiyon mga kasama natin sa field,” sabi niya.

Payo naman niya sa mga farm owner ay mahigpit silang magpatupad ng biosecurity measures "dahil yun na lang po pag-asa natin para maiwasan ang sakit na galing sa labas.”

Importante din aniyang mapanatili ang kalinisan ng lugar para hindi makapasok ang mga peste, tulad ng daga na puwedeng magdala ng sakit sa kanilang mga alaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.