MAYNILA - Ipinasara muna ng gobernador ng Laguna ang isang electronics manufacturing company sa Biñan, sa dami ng mga empleyadong tinamaan ng COVID-19.
Inihain na nitong Huwebes ng mga kinatawan ng Laguna Provincial Office ang 24 hours temporary shutdown order sa NIDEC Philippines, na matatagpuan sa Industrial Park sa Binan City.
Nais malaman ng lokal na pamahalaan kung nakakasunod nang tama ang NIDEC Philippines sa mga ipinatutupad na health protocols gaya ng pagdi-disinfect at contact tracing.
"Kung may makita tayo na pagkukulang, may nakita tayo na dapat ayusin tutulungan po natin sila, hindi po natin sila ishinutdown para parusahan sila," ani Laguna Governor Ramil Hernandez.
Hinihinalang nagkahawahan ang mga empleyado sa canteen, work area o shuttle service dahil hindi nasusunod umano ang 50 percent capacity sa sasakyan.
Nilinaw naman ni Hernandez na nais lang nilang tulungan ang kompanya at hindi nila ito ipinasara para parusahan.
Sinusubukan pa ng ABS-CBN News na makuha ang panig ng NIDEC Philippines sa kautusan.
Tatlo pang kompanya sa Laguna na may mataas na bilang ng mga empleyadong tinamaan ng COVID-19 ang ipinatatawag ng gobernador para alamin kung nakakasunod ang mga ito sa health protocols. — Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Laguna, electronics company, COVID-19 cases, COVID-19 cases Laguna, Electronics company