PatrolPH

Militar, BIFF nagsagupaan sa Maguindanao; 1,580 pamilya lumikas

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 04:17 PM

Patay umano ang 12 tao habang mahigit sa 20 ang sugatan nang magbakbakan ang militar at puwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa boundary ng mga bayan ng Datu Salibo at Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao, ayon sa ulat ng militar nitong Huwebes.

Mga tropa ng 57th infantry battalion at ang pinagsanib na Dawlah Islamiya Turaifie group at BIFF-Karialan faction ang nagsagupaan pasado alas-5 ng hapon Miyerkoles. 

Target ng operasyon ng militar si Hassan Indal ng Dawlah Islamiya Turaifie group. 

"Si Hassan Indal isa siya sa deputies ni Turafie. Number 2 siya sa hierarchy nila. Trained rin ito sa paggawa ng mga IEDs (improvised explosive device). Sila rin ang nangunguna sa pag-harass at pag-atake sa mga checkpoints natin, specifically quarantine checkpoints natin wherein ang mga sundalo natin nagbabantay," ani Lt. Col. Anhouvic Atilano, spokesperson ng 6-ID.

Nagtagal umano ang bakbakan nang halos 6 na oras.

Dalawang sundalo ang napatay na sina Priv. 1st Cl. Raymond Canlog at Priv. 1st Cl. Jovert Sarno habang 12 kasamahan nila ang nasugatan.

Base naman sa mga nakuhang report ng militar, 10 ang napatay at 10 rin ang sugatan sa panig ng mga rebelde. 

Kinumpirma naman ng tagapagsalita ng BIFF-Karialan faction na sila ang nakasagupa ng mga sundalo, pero wala umanong namatay sa kanilang grupo at 4 lang ang nasugatan.

Dahil sa sagupaan, aabot sa 1,588 mga pamilya ang lumikas mula sa 3 barangay sa Datu Salibo at 2 barangay ng Shariff Saydona.

Sa ngayon ay nananatili sa evacuation centers ang mga lumikas. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.