Mga stranded na pasahero sa pantalan ng Cebu City nadadagdagan pa

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CEBU CITY — Dumarami pa ang mga stranded na mga pasahero na nagsidatingan sa pantalan ng Cebu City nitong Huwebes.

Bagong dating sa pier 1 ng lungsod si Cirilio Tuastumban.

Pinaalis daw siya ng landlord ng inuupahang bahay sa Mandaue City kaya nakapagdesisyon siya na sa pier mananatili para maghintay ng biyahe. Uuwi na lang siya sa Lanao del Norte.

Sabi niya, matagal na rin niyang gustong umuwi pero naabutan ng pagbabawal sa biyahe ng mga barko dahil sa pandemya.

Inakala niyang makakakuha na sila ng ticket pauwi pero sinarado ang mga outlet kaya sa mga karton muna sila hihiga at magpapalipas ng mga gabi habang inaantay ang pagbabalik ng mga biyahe sa Agosto 1.

Dahil modified enhanced community quarantine pa rin ang lungsod, walang barkong lalayag kaya apektado rin pati ang mga porter.

Inatasan na ng Cebu City ang mga shipping company na gawing online ang pagkuha ng ticket upang hindi dumagsa sa pier ang mga pasaherong gustong umuwi.
    
Dahil sa patuloy na pagdami ng mga gumagaling sa COVID-19, kampante ang IATF Cebu City na ibababa sa general community quarantine ang lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.