Lalaking walang face mask, tiklo matapos mahulihan ng ice pick sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 02:53 AM

MAYNILA - Inaresto ng Pasay City Police ang isang 30-anyos na lalaki matapos siya makuhaan ng ice pick nang sitahin siya dahil walang suot na face mask nitong Miyerkules. 

Sa ulat ng Southern Police District, nadatnan ng mga nagpapatrulyang pulis ang suspek na si alyas "Ramil" na naglalakad sa Tramo St., Bgy. 46 bandang alas-8:30 ng gabi. 

Nilapitan siya ng mga pulis dahil walang suot na face mask at sinita. Binigyan siya ng mga pulis ng dala nilang extra na face mask pero kinapkapan pa rin.

Nakita ang face mask na nakasuksok sa kanyang pantalon ang ice pick at doon na siya dinala sa presinto. 

Napag-alamang miyembro si "Ramil" ng Sputnik Gang. 

Bukod sa kasong paglabag sa ordinansa ng Pasay na nagpapasuot ng face mask sa pampublikong lugar, nahaharap din si "Ramil" sa kasong illegal possession of bladed weapon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.