Isang barangay sa Agusan del Sur, binaha

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 06:53 PM

Isang barangay sa Agusan del Sur, binaha 1
Limang purok sa Barangay Sabang Gibong sa bayan ng Talacogon sa Agusan del Sur ang nalubog sa baha. Larawan mula kay Jerricks Morta

TALACOGON, Agusan del Sur – Binaha ang isang barangay sa bayang ito dahil sa pag-ulan simula pa ng nitong Martes. 

Ayon kay Barangay Sabang Gibong Chairwoman Felipa Goloran, limang purok ang apektado ng pagbaha na may lalim mula apat hanggang anim na talampakan.

Kahit pa marami sa mga bahay doon ay floating dahil malapit sa Agusan River, agad nilang naobserbahan ang pagtaas ng lebel ng tubig sa naturang ilog.
 
Sabi ni Goloran, Hulyo 28 nang unang tumaas ang lebel ng tubig sa kanilang multipurpose hall nang hanggang apat na talampakan, at anim na talampakan naman sa Purok 2 dahil mas mababa ang lugar na iyon. 

Hindi man ganoon kalakas ang naranasang pag-ulan pero naniniwala si Goloran na ang baha ay dahil sa nagpang-abot na daanan ng tubig sa ilog. 

Walang lumikas sa mga residente pero problema nila ngayon dahil binaha ang kanilang palayan at nawala ang ilan nilang mga inaalagaang hayop. 

Ayon sa PAGASA weather bureau, nakaranas ng mga pag-ulan ang Caraga, lalo na sa Agusan del Norte, Agusan del Sur at Surigao del Sur dahil sa Hanging Habagat. 

Nag abiso ang PAGASA sa mga residenteng nanirahan sa low-lying at flood prone areas na maging alerto dahil posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa ang malakas na bugso ng ulan.