3 sugatan sa pagtaob ng 18-wheeler truck sa Batangas

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 02:28 AM

Sugatan ang tatlong katao matapos mawalan ng preno ang isang 18-wheeler truck at mabangga ang kasalubong nitong 6-wheeler truck sa Nasugbu, Batangas. Kuha ng MDRRMO NASUGBU

NASUGBU - Sugatan ang tatlong katao matapos mawalan ng preno ang isang 18-wheeler truck at mabangga ang kasalubong nitong 6-wheeler truck sa Barangay Aga sa Nasugbu, Batangas Miyerkoles ng hapon.

Ayon kay Alex Pimentel, hepe ng MDRRMO Nasugbu, nagtamo ng minor injuries ang driver at isang sakay ng 18-wheeler at ang driver ng nabangga nitong truck.

Binabagtas ng 18-wheeler truck ang Sitio Bayabasan nang mawalan umano ito ng preno. Patungo sana ng Calaca ang truck na may kargang kemikal.

Paluwas naman sa direksyon ng Tagaytay City ang nabangga nitong 6-wheeler truck na nakabalagbag na rin sa highway kaya bumigat ang daloy ng trapiko.

May nadamay din na nakaparadang kotse na nabangga rin pero wala naman itong sakay.

Accident-prone ang lugar kaya muling paalala ng awtoridad, mag-ingat sa pagmamameho lalo ngayong maulan ang panahon at madulas ang mga kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.