2 sugatan sa naaksidenteng van sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2020 01:34 PM

MAYNILA — Sugatan ang 2 tao matapos maaksidente ang sinasakyan nilang van sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong hatinggabi ng Huwebes.

Lasing ang nasugatang driver at pahinante ng van nang mangyari ang insidente, ayon sa responder mula sa Metropolitan Manila Development Authority.

Wala rin umanong naipakitang lisensiya ang driver ng sasakyan.

Mabilis umano ang takbo ng van, na bumangga sa concrete barrier na nagsisilbing harang sa ginagawang MRT-7.

Sa lakas ng pagsalpok, nahulog ang concrete barrier sa hukay sa construction site ng MRT-7 at nawasak ang van.

Kakasuhan ang driver ng van ng damage to public property.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.