Sundalo huli sa sinalakay na 'drug den' sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 03:15 PM | Updated as of Jul 30 2019 09:33 PM

(UPDATED) Dalawang tao, kasama ang isang sundalo, ang inaresto ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa isang hinihinalang drug den sa Taguig City noong Lunes ng hapon.

Kinilala sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga suspek bilang sina Fernando Tiongson, 53, at sinasabing tagapangasiwa ng drug den; at si Staff Sgt. Reynaldo Pulido, 43, na active personnel ng Philippine Army.

Sinalakay ng mga awtoridad ang drug den matapos bentahan ni Tiongson ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang ahenteng nagpanggap na buyer, ayon sa ulat ng NCRPO.

Nakuha rin umano sa mga suspek ang 5 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 7.5 gramo at nagkakahalaga ng P51,000, at iba pang kagamitan.

Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, nakatanggap sila ng impormasyon na talamak ang bentahan at paggamit ng droga sa lugar.

Kamakailan lang nagkasa ng operasyon ang mga awtoridad dahil pinoprotektahan umano ito ng ilang sundalo.

Nabatid din sa imbestigasyon na may dati nang kasong homicide si Tiongson.

Ayon naman kay Pulido, nagawa lang niyang gumamit ng droga dahil sa matinding stress.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bukod sa kasong kriminal, haharap din sa kasong administratibo sa Philippine Army si Pulido.

Sasailalim sa drug test ang 2 suspek sa Philippine National Police Crime Laboratory Office habang dadaan sa laboratory examination ang mga nakumpiskang hinihinalang droga.

-- Ulat nina Jaehwa Bernardo at Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.