SAPUL SA CCTV: Estudyante hinoldap sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 08:30 PM

Watch more in iWantTFC

Nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera ang panghoholdap ng 2 lalaki sa isang babaeng estudyante sa Pasig City.

Sa kuha ng CCTV noong madaling araw ng Martes, Hulyo 23, mapapanood ang 2 lalaki na tila may inaabangan sa may Market Avenue sa Barangay Palatiw.

Nang makakuha ng tiyempo, biglang inakbayan ng isa sa mga lalaki ang naglalakad na biktimang si alyas "Ren Ren" at pilit kinuha ang sling bag nito.

Nagkahilahan ang lalaki at si "Ren Ren" hanggang sa tumumba ang babae sa kalsada.

Hinabol ng biktima ang lalaki sa may kalapit na creek pero nakatakas ito at ang kasama niya.

Nahuli ng Pasig police noong Miyerkoles ang isa sa 2 suspek habang pinaghahanap pa ang isa nitong kasamahan.

Nabawi ng biktima ang kaniyang bag pero natangay ang P2,000 at isa pang cellphone.

Hinikayat ng Pasig police ang iba pang mga nabiktima ng mga suspek na magsampa ng kaso.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.