Ilang unexploded ordnance, nahukay sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 02:32 AM

MARAWI CITY, Lanao del Sur—Nahukay ng mga awtoridad ang ilang unexploded ordnance sa clearing operation sa Marawi City noong isang linggo.

Natagpuan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) team ng kompanyang EDDMARI ang isang Mk 81 bomb sa sector 2 ng lungsod.

Gamit ang backhoe, nahanap nila ito na nakabaon nang 25 talampakan sa ilalim ng lupa.

"Inaayos natin ngayon 'yung butas para hindi delikado sa tao na papasok. Ayon sa datos ng [Philippine] Air Force, ito lahat ay 74. Sa ngayon ang na-recover ng AFP [Armed Forces of the Philippines] at EOD ay 24. Ang nare-recover ng EDDMARI ay 6," ani Romer Kalaw, EOD technician ng EDDMARI.

Ayon sa EDDMARI, pahirapan ang paghahanap ng mga bomba lalo’t marami sa mga ito ay natabunan ng mga damo at nabaon sa mga istraktura.

“Usually, scanning takes 3 days. Data acquisition pa lang 'yun. Tapos 'yung data namin ipa-process pa, so more or less, nasa 5 to 10 days to scan an area pero case-to-case basis siya. May mga area na mahirap i-scan, for example mga areas na may structures,” ani Rafael Romato, isang geologist.

Hindi masasabi ng EDDMARI kung kailan mahahanap lahat ng unexploded ordnance pero titiyakin nila na malilinis ang buong lugar upang maiwas sa panganib ang mga residente.

Nakaiskedyul na pasabugin ang bomba sa loob ng most affected area (MMA) ng lungsod nitong Sabado dahil hindi rin ito ligtas ibiyahe at i-dispose sa ibang lugar.—Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.