Duque pinagkakatiwalaan ni Duterte sa kabila ng mga paratang

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 06:30 PM

Pinagkakatiwalaan pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Franciso Duque III sa kabila ng mga paratang na ito ay tiwali, sabi ngayong Martes ng tagapagsalita ng pangulo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tiwala pa rin si Duterte kay Duque habang wala pang resulta ang imbestigasyong isinasagawa ng Office of the President sa mga akusasyon laban sa kalihim.

"Until such time that there is a definitive finding of any act which is in violation of the law, the Secretary of Health still has the trust and confidence of the President," ani Panelo.

Sinabi ni Panelo na standard operating procedure ng gobyerno na paimbestigahan ang mga reklamo laban sa sino mang miyembro ng Gabinete.

"Any allegation against any member of the Cabinet or against any official of the government of corruption, or of conflict of interest, or any act illegal, is always a serious concern for the Office of the President," ani Panelo.

Sa isang privilege speech noong Lunes, inungkat ni Sen. Panfilo Lacson na nakakuha ng kontrata sa gobyerno noong 2016 at 2017 ang Doctors Pharmaceuticals Inc. na pagmamay-ari ng pamilya ni Duque, dahilan para magkaroon umano ng conflict of interest sa panig ng kalihim.

Inihayag din ni Lacson na ang pamilya ni Duque rin ang nagmamay-ari ng gusaling nirerentahan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Pangasinan.

Magkakasa rin ng imbestigasyon ang blue ribbon committee ng Senado ukol sa mga paratang laban kay Duque, ayon sa chairman ng komite na si Sen. Richard Gordon.

Nauna nang sinabi ni Duque sa programang "Headstart" ng ABS-CBN News Channel na wala siyang kinalaman sa mga kontrata dahil umalis na siya sa kompanya ng kaniyang pamilya noong 2006.

Itinalaga si Duque bilang kalihim ng Department of Health noong Oktubre 2017 kasunod ng pagtanggi ng Commission on Appointments kay Paulyn Ubial.

Nagsilbi ring Health secretary si Duque mula 2005 hanggang 2010 noong administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.