'Di naman sila ganoong kahirap': Panelo tiwalang aahon ang mga sapul sa lotto closure

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 06:48 PM | Updated as of Jul 30 2019 07:50 PM

Watch more in iWantTFC

Naniniwala ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi gaanong maaapektuhan ng pagsasara ng mga lotto outlets at gaming kiosks ang mga empleyado nito dahil "hindi naman sila ganoong kahirap."

Maaalalang ipinasara na ng gobyerno ang halos 30,000 na lotto outlets sa buong bansa bunsod ng umano’y katiwalian sa Philippine Charity Sweepstakes Office – ang ahensiyang nakatalaga sa pangangasiwa sa lotto at iba pang gaming operations. 

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, aminado silang wala pang inilalaang plano ang gobyerno para tulungan ang mga empleyadong apektado sa utos ng Pangulo. 

Pero tiniyak din ng Malacañang na maghahanap sila ng paraan para matulungan ang mga naturang empleyado. 

"I’m sure yung mga naapektuhan, hindi naman sila ganoong kahirap. Marami naman silang kinita during those times that they were operating so I’m sure meron silang pondo to live by,” ani Panelo sa press briefing. 

Pumalag naman ang teller ng lotto outlet si Romelyn Millares, na inaasa ang panggastos sa eskuwela sa kaniyang trabaho. 

Apektado rin aniya ang kabuhayan ng kaniyang pamilya, lalo na at sa lotto outlet din nagtatrabaho ang kaniyang ina. 

Nauna nang nangako ang Department of Labor and Employment na magbibigay sila ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho. 

Pero humihiling pa rin ang grupo ng mga lotto agents sa bansa ng diyalogo kay Duterte para iapela na magpatuloy ang kanilang operasyon habang iniimbestigahan PCSO sa umano'y katiwalian. 

Handa umano silang dalhin ang isyu sa korte, kung kinakailangan, ani Nelson Santos, chairman ng Philippine Online Lottery Agents Association, Inc. 

"Right now, our employees are on hold unless the PCSO issues an advisory to allow the resumption of operations. The problem now is that the agents' expenses continue," ani Santos. 

Nanawagan naman si Panelo na huwag maliitin ang kakayahan ng mga mahihirap na maghanap ng paraan sa kanilang pangangailangan.

"Do not underestimate the human spirit of the Filipinos… Lalong-lalo na ang mga mahihirap," ani Panelo. 

Ang importante aniya ay kumikilos ang gobyerno para matigil ang umano'y katiwalian sa loob ng ahensiya. 

Sineguro rin ng Palasyo na tuloy-tuloy pa rin ang tulong ng gobyerno sa mga nakadepende sa PCSO at tiniyak na puwede rin silang lumapit sa ibang ahensiya tulad ng Philippine Amusement Gaming Corporation o Office of the President. -- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.