Mga lindol sa Batanes nag-iwan ng P282 milyong pinsala

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 01:05 PM | Updated as of Jul 30 2019 07:44 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (3RD UPDATE) -- Aabot na sa P282 milyon ang halaga ng pinsala na naitala sa Batanes nang mayanig ito ng serye ng mga lindol nitong Sabado, ayon sa gobernador nito. 

Bibigyan muna ng mga construction materials ang mga residenteng hindi pa makabalik sa kanilang mga tahanan para makapagpatayo ng temporary shelter, ayon kay Batanes Gov. Marilou Cayco. 

Ibabalik aniya sa dati ang mga luma at batong bahay ayon sa nakagawiang disenyo ng mga Ivatan house. Pero gagamitan na ang mga ito ng bakal at semento para mas matibay. Kabilang sa dinarayo ng mga turista sa Batanes ang tradisyonal na disenyo ng mga bahay dito. 

Ayon sa datos ng Department of Public Works and Highways, sa 953 na apektadong kabahayan, 185 ang nawasak, at 81 ang kailangan makumpuni. Nasa 687 naman ang maaari nang balikan ng mga residente. 

Maaalalang gawa sa bato ang mga bahay sa Batanes para hindi ito mapinsala tuwing bagyo. 

Plano rin ng lokal na pamahalaan na gawan ng temporary classroom ang mga estudyante sa bayan ngayong hindi pa rin mabalikan ang mga paaralan sa pinsalang natamo ng mga ito. 

Tuloy-tuloy din ang mga aftershocks sa lugar. 

Ayon pa kay Cayco, kailangan nila ngayon ng mga yero, kahoy, pako, at iba pang mga construction materials para makabangon muli. 

Nangako naman ang Kamara na maglalaan sila ng parte ng kanilang sahod sa mga nasalanta ng lindol. 

Nasa siyam na ang namatay sa lindol at aabot na sa 100 ang sugatan. 

May iilang na-discharge na ng ospital pero may mga pasyenteng inilipat sa ibang mga ospital sa mga karatig-probinsiya dahil sa kakulangan ng kagamitan. 

Namahagi na rin si Pangulong Rodrigo Duterte ng P25,000 sa mga namatayan sa lindol. 

Watch more in iWantTFC

Tulala, naghihinagpis

Luha at hinagpis naman ang nangibabaw sa mag-asawang Gina at Geronimo Valiente, na nawalan ng 13 anyos na anak sa lindol. 

Balot ng pagsisisi si Geronimo, lalo't naipit siya sa guho at hindi niya naisalba ang kaniyang anak. 

"Naipit ako, hindi ko mailigtas, baldado isang kamay ko, umiyak na lang ako sa itaas wala akong nagawa eh," ani Geronimo. 

Maluha-luha si Alvin Manzo tuwing naaalala ang sinapit ng kaniyang tatlong anak na may mga edad na 23, 14, at 9 sa lindol. 

Sa unang pagyanig ng lupa, gumuho na ang kanilang bahay sa Barangay Sta. Maria sa bayan ng Itbayat, na pinakamatinding napinsala sa lindol. 

Nagmadali namang umuwi si Manzo, isang security guard, mula sa kaniyang trabaho at nadatnang natabunan na ng guho ang kaniyang mga anak. 

Sugatan at wala nang malay nang mahukay ang tatlong anak habang patay na ang kasintahan ng kaniyang panganay. 

Ang ina ng magkakapatid, isang overseas Filipino worker sa Hong Kong, ay pauwi na sa Pilipinas para alagaan ang kanilang mga anak sa ospital. 

Napansin naman ni Gerald Ponce ang kaibahan sa kaniyang kapatid na si Percy Phone Ponce mula nang mangyari ang lindol, kung saan nabalian ito ng braso. 

Itinakbo ni Percy ang kaniyang 3 anyos na anak at 5 anyos na kapatid palabas ng kanilang gumuguhong bahay sa ikalawang pagyanig sa lindol. 

"Tuwing naaalala niya parang nakikita ko tumulo na lang 'yung luha, madami siyang gustong sabihin na hindi niya masabi," kuwento ni Ponce. 

Ayon kay Dr. Martin Hegino Querobin ng Batanes General Hospital, isasailalim sa debriefing ang mga biktima. -- Ulat nina Ron Gagalac at Dennis Datu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.