Bata patay matapos saksakin ng tiyuhin sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2019 05:23 AM | Updated as of Jul 30 2019 07:35 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Patay ang isang 4 anyos na lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang tiyuhin sa Tondo, Maynila Lunes ng hapon.

Nagtamo ng 11 saksak sa katawan ang biktima.

Naaresto ng mga pulis ang suspek pero napatay ito matapos umanong manlaban sa presinto.

Base sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, nabulabog ang Barangay 20, Zone 2, Parola Compound nang mag-amok ang suspek.

Nagtakbuhan ang ilang residente dahil may hawak na kutsilyo ang suspek at nagsisigaw sa lugar.

"Sumisigaw siya ng, 'Patayin mo na ako.' Kasi may napatay daw siya," kuwento ng isang residente.

Nahuli ang suspek nang respondehan ng pulisya. Natagpuan naman ang biktima na nakahandusay sa sahig ng bahay ng suspek.

Kuwento ng lola ng biktima, inutusan umano ng tiyuhin ang bata na bumili ng yelo bago ito pagsasaksakin.

Napag-alaman din ng mga pulis na nagkaalitan ang ama ng bata at suspek kaya napag-initan ang biktima.

Ayon naman kay Police Maj. Norbert Holman ng Moriones Tondo Police Station, tinangkang agawin ng suspek ang baril ng isang pulis nang dalhin ito sa presinto.

"Dinala ng mga pulis natin sa CR. Tinanggal 'yung posas niya... May commotion na doon... Talagang lumalaban kasi kung makikita natin sa video po talang naghahamon talaga," aniya.

Dinala ang suspek sa ospital na nasa harap ng presinto pero idineklara siyang dead on arrival.

Lumabas sa medical examination na positibo sa alak ang suspek. Kabilang din siya sa drugs watch list ng Moriones Tondo Police Station.

Iimbestigahan naman ng Homicide Division ng Manila Police District ang pulis na nakabaril sa suspek. Dadaan din sa ballistic examination ang kaniyang service firearm.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.