Umano'y drug den sa Quezon City, sinalakay; 9 arestado

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 12:21 AM

MAYNILA - Arestado ang siyam na tao matapos maaktuhang gumagamit ng umano'y ilegal na droga sa isang pinaniniwaalng drug den sa Banahaw Street, Barangay San Martin de Porres sa Cubao, Quezon City Linggo.

Target ng operasyon ang isang alyas Romeo na sinasabing tulak ng droga at may-ari ng kuwarto kung saan nahuling gumagamit ang mga parokyano.

Ayon kay Supt. Giovani Caliao, hepe ng Cubao Police Station, naabutan sa loob ng kuwarto si Romeo, pitong lalaki at isang babae na gumagamit umano ng droga.

Nang magkaabutan na ng pera at magpakilala ang pulis, ilan sa mga suspek ay nagtangkang tumakas kaya nagkaroon pa ng habulan.

Nagtamo ng sugat sa paa ang isa sa mga suspek matapos madapa.

Aabot sa 20 sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia ang nakuha sa mga suspek.

Itinanggi ni alyas Romeo na nagtutulak siya ng droga bagama't aminado siyang gumagamit ng droga kasama ang iba pang mga lalaki.

Ang iba naman ay nagsabing nagsusugal lamang sila sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.