Suspek sa pagpatay sa konsehal sa Cagayan, tukoy na ng pulisya

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 07:20 PM

Tukoy na ng pulisya ang dalawang suspek sa pagpatay kay Councilor Alfredo Alvarez ng Rizal, Cagayan.

Ayon kay Police Chief Superintendent Jose Mario Espino, nakilala ang mga salarin sa tulong ng kuha ng CCTV sa pangyayari.

"A certain Jess and Eloy Baloran," ani Espino sa press conference Lunes ng umaga.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na tauhan umano ng isang mataas na opisyal sa Rizal ang dalawang suspek.

Patuloy pang pinaghahanap ang dalawang suspek. Nakipagugnayan na rin ang pulisya sa sinasabing opisyal.

Isa sa mga tinitingnang motibo sa pagpatay ay pulitika.

Tatlong taong nakulong si Alvarez dahil sa pagkakasangkot sa kasong pagpatay kay dating mayor Raul Dela Cruz noong 2008.

Nakalaya si Alvarez nang madismiss ang kaso.

Ayon sa anak ni Alvarez, nakatanggap na ito ng pagbabanta sa kanyang buhay.

Patuloy ang imbestigasyon ng binuong Special Investigating Task Group para maresolba ang kaso.

Sa isang kuha ng CCTV, makikita ang pagsakay ni Alvarez sa kaniyang kotse Linggo ng gabi.

Umabante ito at nagmaneobra sa isang kanto.

Pagbalik ng kotse, may nakasunod sa kanyang dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo.

Matapos ang ilang minuto ay narinig ang sunod-sunod na putok ng baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.