Pedicab driver, mangingisda, timbog sa droga sa Cavite City

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 08:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto sa magkahiwalay ng operasyon ng pulisya noong Linggo sa Cavite City ang dalawang lalaki dahil sa umano'y pagtutulak ng droga.

Kinilala ang mga suspek bilang si Danilo Fuertes, isang pedicab driver, at Edwin Angel, isang mangingisda.

Hinuli si Fuertes matapos umanong makuhanan ng drogang nakasiksik sa likod ng upuan ng kaniyang pedicab.

Ayon kay Senior Inspector Gilbert Derla ng Cavite City police, parokyano ni Fuertes ang ibang pedicab driver.

Paliwanag naman ni Fuertes ay wala siyang ibang alam na pagkakakitaan lalo at umaasa sa kaniya ang pitong apo.

Nasa anim na sachet ng shabu ang nakumpiska kay Fuertes.

Sa Cañacao Bay naman ikinasa ang buy-bust operation laban kay Angel, na hindi na pumalag matapos magpakilala ang mga pulis.

Limang sachet ng shabu ang nakuha sa kaniya.

Ayon kay Angel, maliit din ang kita niya sa pangingisda kaya nauwi siya sa pagtutulak ng droga.

Sinampahan na ang dalawa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.