Mga umano'y miyembro ng NPA, nakasagupa ng militar sa San Juan, Batangas

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 05:22 PM

Nakasagupa ng mga tauhan ng First Infantry Batallion ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army sa San Juan, Batangas ang nasa 15 umano'y miyembro ng New People's Army (NPA).

Ayon kay Captain Patrick Retumban, public information officer ng 2nd Infantry Division, bandang 11:20 ng umaga Lunes nang nagsimula ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang kampo sa Sitio Coloconto, Barangay Bulsa.

Halos isang oras at sampung minuto umanong tumagal ang palitan ng putok.

Dagdag pa ng opisyal, matapos ang pangyayari, naiwan sa lugar ang bakas ng dugo. Indikasyon umano ito na may mga nasugatan sa panig ng mga hinihinalang NPA.

Bukod sa dugo, nakuha rin sa lugar ang isang M-16 rifle, 1 bandolier, 6 na backpacks na naglalaman ng pagkain at personal na gamit at mga improvised explosive device (IED).

Dagdag pa ni Retumban, isang alyas "Salma" ang lider ng grupo na nasa ilalim ng Sub-Military Area (SRMA) 4C ng NPA.

Nagsimula umano ang operasyon matapos na makatanggap ng report ang mga awtoridad mula sa mga residente na may ilang grupo ng mga armadong tao ang nangingikil ng pera sa lugar.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagtugis ng mga sundalo sa mga hinihinalang NPA.

Nagsagawa na rin ng checkpoints ang mga awtoridad sa bayan ng San Juan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.