PatrolPH

Arroyo, Mayor Sara magkasama sa 'thank-you' lunch

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 08:29 PM | Updated as of Oct 31 2019 10:43 PM

Watch more on iWantTFC

Magkasama nitong Lunes sina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa isang pananghalian na ayon sa kanilang mga kaalyado ay isa sa kanila ang nanguna. 

Nangyari ang pagtitipon makalipas ang isang linggo mula nang maluklok bilang lider ng Kamara si Arroyo, isang hakbang na sinuportahan umano ng alkaldeng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inilarawan ni Arroyo ang tanghalian, na idinaos sa isang hotel sa Quezon City, bilang "thank-you lunch."

"It's a private, social gathering," sabi ni Arroyo.

Pero ayon kay Quezon 3rd District Rep. Danilo Suarez, si Duterte-Carpio ang nagpatawag ng salo-salo.

"It was the mayor who hosted the event as a 'thank you' for supporting her in her appeal to support GMA," sabi ni Suarez.

Magugunitang noong Pebrero ay bumanat sa social media si Duterte-Carpio laban kay Pantaleon Alvarez, ang pinalitan na House speaker ni Arroyo, matapos nitong kuwestiyunin ang katapatan ng alkalde sa ama.

Pero ayon naman kay Capiz Rep. Fred Castro, si Arroyo ang nanguna sa tanghalian para pasalamatan ang mga sumuporta sa kaniya at naimbita lang ang alkalde.

"Ito ay luncheon na ibinigay ni Speaker Arroyo bilang pagtitipon at pagpapasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanya. Naimbita lang si Mayor Sara," aniya.

Kabilang din sa mga dumalo sa salo-salo sina Buhay party-list Rep. Lito Atienza at Ilocos Norte Governor Imee Marcos.

Inamin naman nitong Lunes ni Quezon City 2nd District Rep. Winston Castelo na sumama rin sa pangangampanya para kay Arroyo si Marcos.

Si Marcos umano ang balakid sa nais ng ilang kongresista para magkapuwesto pa sa liderato ang kaaway sa provincial politics na si Ilocos Norte 1st District Rep. Rodolfo Fariñas.

Magugunitang si Fariñas ang nagpaimbestiga sa Kamara sa paggamit ni Marcos sa pondo ng pinamumunuang lalawigan.

"There is a political dynamics diyan po sa north, sa Ilocos, because we all know that very active din sila Imee, who campaigned for the installation of Speaker GMA," ani Castelo.

Tingin din ni Castelo, maraming national parties ang posibleng makipagkoalisyon sa partidong Hugpong ng Pagbabago ni Duterte-Carpio.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, posibleng kasama rito ang partido niyang Nacionalista Party. 

"I think we're working on something like that in the future," ani Barbers. 

Humirit din si Castelo na bigyan ng mataas na puwesto si Arroyo sa partido ng pangulo na PDP-Laban.

Lakas–CMD ang partido ni Arroyo noong pangulo pa siya pero nitong 17th Congress ay lumipat siya sa PDP-Laban.

Hinalal naman si Deputy Speaker Rolando Andaya Jr. bilang bagong House majority leader habang ang bagong House sergeant-at-arms naman ay ang dating pinuno ng Presidential Security Group ni Arroyo na si Romeo Prestoza.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.