3 'snatcher', napadaang lalaki patay sa engkuwentro sa QC

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 08:39 AM | Updated as of Nov 01 2019 12:25 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Patay ang 3 hinihinalang snatcher at isang napadaang lalaki sa engkuwentro sa Barangay Paglisahan, Quezon City nitong Linggo ng gabi. 

Ayon sa pulisya, rumuronda ang mga operatiba nang matiyempuhan nila ang 3 lalaking sakay ng tricyle na hinoldap ang isang babae. Sinundan umano ng mga pulis ang mga suspek na nakipagbarilan sa kanila sa kanto ng Panay Avenue at Dr. Garcia Street. 

Sa gitna ng bakbakan, dumaan anila sa pagitan ng 2 grupo ang motorsiklo ng isang empleyado ng Pilipino Star tabloid. Natamaan siya ng bala sa tagiliran at dinala sa ospital, pero idineklarang dead on arrival. 

Hindi naman tugma ang kuwento ng mga pulis sa pahayag ng babaeng hinoldap umano ng grupo. Aniya, lumipas muna ang ilang oras bago siya nakapagsumbong sa mga pulis kung kaya nalaman ng mga ito ang insidente.

Habang iniinspeksyon naman ang crime scene 3 oras matapos ang engkuwentro, napansin na humihinga pa ang isa sa 3 suspek na isinakay sa police car. Dinala ito sa ospital, pero idineklarang dead on arrival. 

Sinubukan ng news team na kuhanin ang panig ng mga pulis kung bakit hindi muna tiningnan kung buhay ang mga nabaril at nadala sana agad sa ospital. Hinihintay pa ang sagot ng pulisya.