3 galing sa libing, sugatan sa banggaan sa Roxas Blvd

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2018 08:20 AM

MANILA - Sugatan ang 3 sakay ng isang kotse makaraang makabanggaan ang isang SUV sa Roxas Boulevard, Maynila ngayong Lunes ng madaling-araw. 

Kabilang sa mga biktima ang isang 86-anyos na lalaking may sakit sa bituka, isa pang pasaherong nagtamo ng malubhang sugat sa noo, at ang diver.

Kuwento ng kaanak ng mga biktima na si Dhel Diaz, naka-convoy sila at pauwi sa Binondo mula sa pakikipaglibing sa Imus, Cavite.
 
Nauna umano ang kotse ni Diaz na dumating sa bahay at nagtaka na lang siya kung bakit natagalan ang kotse ng 3. Nang tawagan, nalaman niyang tumaob pala ang sasakyan ng mga ito at isinugod sila sa ospital. 

Sinabi aniya ng mga biktima na mabilis at pagewang-gewang ang isang SUV nang bumangga ito sa kanilang sasakyan. Sa lakas ng impact, nabasag ang bintana ng kotse at nawasak ang hood. 

Giit ni Diaz, mabagal naman ang takbo ng kotse dahil may sakit ang isa sa mga sakay nito. 

Idiniin naman ng driver ng SUV na sila ang binangga ng kotse. Flat aniya ang gulong ng SUV nang mangyari ang insidente. 

Iniimbestigahan ng Manila Traffic and Parking Bureau ang insidente. 

Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.