TINGNAN: Disenyo ng temporary shelters sa Marawi para sa mga bakwit

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2017 07:49 PM

MARAWI CITY - Ipinakita ng Task Group Ranao ang mga modelong bahay na balak gawin para sa mga residenteng bumakwit dahil sa bakbakan ng militar at mga teroristang Maute sa siyudad na ito.

Isa sa klase ng bahay na tinitingnan gawin para sa mga bakwit ay yari sa pre-frabricated steel at may sukat na 4 x 7.7 metro. Kongkreto ang sahig at yero ang bubungan ng mga ito.

Ayon kay Abdurahman Paunte, resident engineer ng DPWH Region 10, kayang tapusin ang mga bahay na ito sa loob ng 3 araw. Matibay aniya ang modelong ito at kayang tumagal nang taon. 

May modelo ring gawa sa lumber o kahoy na may sukat na 4x6 metro. Hindi tulad ng gawa sa pre-fabricated steel, hindi magkakadikit ang mga bahay na ito. 

Tinataya ng mga awtoridad na isang linggo kayang tapusin ang bawat unit ng modelong ito, ayon kay Marawi City field engineer Mike Gulam. 

Balak itayo ang mga temporary shelter na ito sa Barangay Sagonsongan sa Marawi City. Sa inisyal na plano, magiging common o iisa ang palikuran at kusina para sa mga bakwit. 

Sa ngayon, pinagdedesisyunan pa kung alin sa dalawang modelo ang gagamitin. Sakaling makapagdesisyon, magigig mabilis na umano ang konstruksiyon nito.

Pagtutulungan ng Philippine Army, DPWH at lokal na pamahalaan ng Marawi ang paggawa sa temporary shelters.