Tindahan sa Maynila nasunog

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2017 09:28 AM

MANILA - Naabo ang nasa P40,000 halaga ng ari-arian makaraang masunog ang isang tindahan sa Tondo, Maynila Linggo.

Pasado hatinggabi nang sumiklab ang apoy sa unang palapag ng isang gusali sa Argueros Street, Barangay 54 na nagsisilbing tindahan ng isang Raymunda Miranda.

Sinubukan ng mga tenant ng gusali na apulahin ang apoy gamit ang fire extinguisher, pero lumaki pa ito at umabot pa sa ika-2 alarma.

Ayon kay Chief Insp. Marvin Carbonel, chief of operations ng Manila Fire District, nahirapan ang mga bombero na makapasok sa lugar dahil nakasara ang metal folding doors ng tindahan.

Nakontrol naman ang apoy makalipas ang 30 minuto at hindi na ito kumalat sa ika-2 palapag.

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog. -- Ulat nina Anjo Bagaoisan at Ron Lopez, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.