'Suspek na pari, nagbayad ng P500 para sa 13 anyos'

ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2017 05:37 PM | Updated as of Jul 30 2017 09:49 PM

Sa halagang P500, ipupuslit na sana ng 55 anyos na si Msgr. Arnel Lagarejos ang isang menor de edad sa isang motel sa Marikina City nitong Biyernes, Hulyo 28.

Unang nakilala umano ng pari ang 16 anyos na bugaw ng biktima sa Facebook. Nagkausap sa text, at nang magkasundo, nakipagkita na ang paring suspek sa bugaw at dalagita sa isang mall. 

Pero ang hindi alam ni Lagarejos, nakapagsumbong na pala ang ina ng biktima sa mga pulis at inaresto sa entrapment operation ang pari.

Ayon sa Marikina PNP, umamin sa huli ang suspek na isa siyang pari na naka-assign sa Marikina, Rizal, at isang eskuwelahan sa Cainta.

Nitong Sabado, Hulyo 29, dumating sa inquest proceeding ng suspek ang mga kaanak ng biktima at ang menor de edad na bugaw. 

Mabilis silang in-escort palabas ng mga pulis at hindi na humarap sa media. 

Wala ring pahayag na ibinigay ang paring suspek.

Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development ang biktima at bugaw, habang nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9208 o ang 'Anti-Trafficking in Persons Act.'

Itinanggi naman ng hepe ng Women and Children's Protection Desk na nagka-aregluhan na para maiurong ang kaso.

Sa opisyal na pahayag na inilabas ng Diocese of Antipolo kagabi, nanawagan sila para ipagdasal na lumabas ang katotohanan sa nangyari.

Pero ayon kay Bishop Francis De Leon ng Diocese of Antipolo, na-relieve na si Lagarejos sa kaniyang mga trabaho at responsibilidad bilang pari matapos siyang masampahan ng kaso. 

Hindi naman nagbigay ng komento ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines dahil nasa jurisdiction ng Diocese of Antipolo ang paring suspek.

Ikinagulat naman ng ilang miyembro ng choir ng Our Lady of the Abandoned sa Marikina ang pagkaaresto sa pari. Nakasama nila sa simbahan sa loob ng 10 taon si Lagarejos na inilarawan nila bilang isang mabait na pari.

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung may iba pang kasamahan din ang menor de edad na bugaw na tina-target ang mga batang babae sa social media.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.