3 patay sa drug bust sa Tondo

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2017 09:31 AM

MANILA - Patay ang 3 lalaki matapos umanong maka-engkuwentro ng mga pulis sa isang buy-bust operation sa Tondo, Maynila Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na sina Leonardo "Bebe" Dela Cruz, Rodrigo "Digoy" Albos at Reynaldo "Nognog" Dela Cruz na pawang mga residente ng nasabing lugar.

Ayon sa Manila Police District, nakabili ang kanilang operatiba ng P500 na shabu mula kay alyas Bebe.

Pero matapos mag-abutan ng pera at shabu, nakaramdan umano ang target na pulis ang kanyang kaharap kaya itinulak niya ito upang makalayo.

Sumigaw rin anila si Bebe upang makahingi ng tulong sa 2 niyang kasama.

Agad naman umanong bumunot ng baril at nagpaputok sina alyas Digoy at Nognog sa operatibang si PO2 Mandap, dahilan para gumanti ang mga nakaantabay na pulis at mauwi sa engkuwentro ang operasyon.

Nang tinamaan na sina Digoy at Nognog, sinubukan pa umano ng mga pulis na pasukuin si alyas Bebe ngunit sa halip ay naglabas ito ng granada.

Binaril ng mg pulis ang suspek nang akmang ibabato na nito ang pampasabog.

Idineklara ang mga suspek na dead on arrival sa ospital.

Nakuha mula sa kanila ang 13 pakete ng hinihinalang shabu, 2 kalibre .38 baril at isang fragmentation grenade.

Itinurn-over naman sa pulisya ang mga baril ng nakaengkwentrong pulis upang isailalim sa gunpowder residue examination bilang bahagi ng imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.