Umano'y drug pusher sa Cainta, patay sa barilan

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2016 01:36 PM

MANILA - Agad binawian ng buhay ang isang umano'y notorious na drug pusher matapos umanong manlaban sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Cainta, Rizal nitong Biyernes ng gabi.

Nagkasundo raw ang target ng operasyon na si Randy Santos alias Kamote at ang poseur-buyer sa halagang P800 para sa shabu.

Pero nang maramdamang pulis ang katransaksyon at papasugod na ang mga pulis sa kanilang drug den, agad raw nagpaputok si alias Kamote.

Arestado naman ang limang "kapanalig" ni alias Kamote. Sila ang nagde-deliver o nagdi-distribute ng mga iligal na droga sa ibang lugar.

Isa na rito ang balut vendor na si Michael.

Nakumpiska mula sa kanila ang isang sumpak, darts, mga sachet ng shabu at iba pang drug paraphernalia.