Pedicab driver, patay sa pananambang sa Makati

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jul 30 2016 01:27 PM

MANILA – Namatay ang isang lalaking sinasangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga matapos tambangan sa Barangay Palanan, Makati City kagabi.

Sa bangketa sa Casino Street pinagbabaril ang 58-anyos na pedicab driver na si Emilio Dela Masa ng dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo pasado alas-nuwebe kagabi.

Kwento ni Bochok Dela Masa, pamangkin ng biktima, nasa labas noon ang tiyuhin at nakaistambay lamang. Nanonood naman siya ng palabas sa telebisyon sa bahay nang marinig niya ang anim na sunod-sunod na pagputok.

Paglabas niya, doon na niya nakitang nakabulagta ang tiyuhin.

Ayon kay Bochok, bukod sa pamamasada ng pedicab, sangkot din ito sa pagtutulak ng iligal na droga. Ilang beses na raw nila itong hinikayat na magbago pero hindi nakinig.

Gayunpaman humihingi ang buong pamilya ng hustisya para sa yumaong mahal sa buhay.