PatrolPH

Dalagita nabuntis umano ng ama matapos halayin sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2022 05:00 AM

Isang dalagita sa bayan ng Sariaya, Quezon ang nabuntis matapos halayin umano ng sariling ama.

Kasama ang kaniyang ina, dumulog sa pulisya ang dalaga na paulit-ulit umanong ginahasa ng ama, na nabisto sa panghahalay nang madiskubreng nagdadalantao ang biktima.

Ayon sa biktima, nangyari ang unang panghahalay ng kanyang tatay noong August 16, 2021 nang sila lamang ang mga tao sa kanilang bahay.

Mula noon, paulit-ulit na umano itong ginawa ng ama niya sa kaniya sa tuwing maiiwan siyang solo sa bahay hanggang February 20.

Nakalalaya pa umano ang suspek subalit nakatakda na itong sampahan ng kasong rape.

Samantala, sa Lucena City, isang 12-anyos na dalagita rin ang ginahasa umano ng kanyang amain nitong Miyerkoles ng madaling-araw habang sila ay natutulog sa kanilang bahay.

Ayon sa imbestigasyon, matapos ang panghahalay, tinakot ng suspek ang biktima na huwag magsusumbong sa kahit kanino at pinangakuan ding bibigyan ito ng pera.

Nitong Miyerkoles ng gabi, kasama ang isang kaanak, ay nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima at isinumbong ang pangyayari.

Agad inaresto ng mga pulis ang suspek.

Sa Tayabas City, hindi na nakatiis at nagsumbong din ang isang menor de edad sa pang-aabusong ginagawa sa kanya ng kanyang amain.

Ayon dito, nangyari umano ang unang panghahalay sa kanya noong Pebrero at paulit–ulit itong ginagawa hanggang nitong Lunes, July 25.

Arestado rin ang suspek na nakakulong na sa Tayabas City Jail. - Ulat ni Ronilo Dagos

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.