PatrolPH

Iloilo City nakapagtala ng unang kaso ng COVID-19 Delta variant

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2021 04:32 PM

ILOILO CITY - Nakapagtala ang Iloilo City ng pinakaunang kaso ng COVID-19 Delta variant, ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit Huwebes.

Napag-alaman na ang nagpositibo sa Delta variant ay isang kawani ng kompanya mula sa Molo, Iloilo City.

May edad 30 ang lalaki mula Manduarriao na nagpositibo sa Delta variant noong Hulyo 9. Nananatili siyang positibo sa virus matapos ang repeat test nitong Hulyo 23 sa Western Visayas Medical Center.

Walang travel history at walang close contact sa trabaho ang pasyente at hindi pa nababakunahan.

Nagpositibo rin sa COVID-19 ang asawa ng pasyente matapos itong i-swab test noong Hulyo 12.

Nagpalabas ng isang executive order si Iloilo City Mayor Jerry Treñas para isailalim sa lockdown ang pinagtatrabahuhan ng pasyente at ang kanilang lugar sa Mandurriao.

Naka-strict home quarantine ang mag-asawang nagpositibo sa virus.

Nananawagan ang lokal na pamahalaan na magdoble-ingat ang mga residente ngayong may kaso na ng COVID-19 Delta variant sa lungsod.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC

— Ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.