PatrolPH

12 anyos hinalay umano ng lalaking nakilala sa chat; suspek timbog

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2021 10:39 PM | Updated as of Aug 01 2021 07:59 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang 19 anyos na lalaki dahil sa umano'y panghahalay sa menor de edad.

Ayon sa NBI, nagkakilala ang lalaki at ang dalagitang 12-anyos sa pakikipag-chat sa social media. 

Ang paalam ng dalagita sa magulang ay may bibilhin lang sa tindahan pero nagyaya umano ang lalaki na magkita sila sa bahay ng kanyang kabarkada, na nauwi sa inuman.

Ayon naman sa suspek, ang pakilala raw sa kanya ng dalagita ay 16 anyos na ito.

"Siya ang nagyaya na magsama kami sa kuwarto. Tapos siya rin ang nagsabi na patayin ko ang ilaw bago matulog. Nagulat ako na niyakap niya ako tapos hinalikan ako. Lalaki lang ako," ayon sa lalaki.

Pero ayon sa NBI, walang lusot ang mga katwiran ng suspek.

"Hindi katanggap-tanaggp ang reason na 'yan considering na ang victim ay dose anyos at 'yung circumstance na pinainom pa nila," ayon kay Bernard dela Cruz, executive officer ng NBI Special Task Force.

Kulong ang suspek sa kasong rape. 

Iniimbestigahan din ng NBI kung dapat din bang kasuhan ang mga kabarkada ng suspek. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.