Nasa 800 stranded na papauwing probinsiya nananatili sa Rizal stadium

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2020 12:42 PM

MAYNILA - Tinatayang nasa 800 stranded individuals ang nananatili pa rin sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila habang naghihintay ng biyahe papauwi sa kani-kanilang probinsiya.

Matapos ito nang pag-alis ng nasa 1,000 stranded nitong Miyerkoles ng umaga patungong Caraga Region. 

Noong nakaraang linggo, libo-libong mga papauwing probinsiya ang naipon sa stadium sa ilalim ng Hatid Tulong program ng gobyerno, kung saan hindi na nasunod ang physical distancing sa harap ng patuloy na banta ng COVID-19. Humingi ng paumanhin ang mga opisyal matapos umani ng batikos. 

Bagama't marami na ang nabawas sa bilang ng mga nasa stadium, may ilan pa ring nananatili gaya ni Lorna Borja, na isang araw munang nanatili sa ilalim ng LRT 1 sa Pasay bago nabigyang tulong. 

Matapos umalis sa kaniyang trabaho bilang kasambahay sa loob ng 6 na taon, umaasa siyang makakauwi na sa kaniyang pamilya sa Bicol.

"Nagkaproblema po ako sa amo ko, so nandon po ako sa ilalim ng LRT sa Pasay Libertad, nag-iiyak po ako humihingi ng tulong sa magulang ko… Opo, inabutan po ng ulan doon, mga isang araw pong buo, isang araw… Hindi ako kumain walang kain walang tulog, nanghihina na po ako," ani Borja. 

Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Maynila, inihatid si Borja sa Rizal Stadium para makasama sa mga biyaheng Bicol. 

Ang bawat stranded na dumarating sa stadium kailangang sumalang muna sa rapid testing bago makasama sa mga pauuwiin sa probinsya. 

Noong Martes, umabot na sa 25 sa mga stranded sa stadium ang nagpositibo sa COVID-19. Ang mga ito ay nakatakdang sumalang sa confirmatory swab test. 

Ayon kay Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo, pinuno ng Hatid Tulong program, target nilang mapauwi ang lahat ng mga ito hanggang Huwebes.

Noong nagdaang weekend, marami ang nabahala nang makitang nagsiksikan ang mga stranded sa Rizal stadium, kung saan ipinoproseso ang kanilang pag-uwi sa ilalim ng Hatid Tulong program ng pamahalaan.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.