Mambabatas pinuna ang 'katahimikan' ni Duterte ukol sa Marawi rehab

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2020 04:54 PM

MAYNILA — Dismayado si Basilan Rep. Mujiv Hataman na hindi man lang natalakay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes ang plano niya para sa rehabilitasyon ng Marawi.

Sabi sa TeleRadyo ni Hataman, dapat nagbanta at nagbigay rin ng taning ang Pangulo sa mga umaasikaso sa Marawi rehab, tulad ng ipinataw nitong ultimatum sa mga telco sa Pilipinas. 

Hinaing ni Hataman, tatlong taon na at hindi pa rin nakababalik sa mga bahay ang mga naipit sa giyera. 

"Dapat mabigyan na ng taning kung kailan talaga sila makababalik sa loob ng ground zero," anang mambabatas.

Hirap na aniya ang mga residenteng nagtitiis sa transitional houses at nakikisilong sa mga kaanak.    

Nauunawaan man ni Hataman na tutuk ang gobyerno sa pandemya, hindi pa rin dapat nitong kalimutan ang mga biktima ng giyera sa Marawi.

Babala pa niya, baka ma-recruit muli ng mga terorista ang ilang biktima ng Marawi siege kapag hindi pa umaksyon ang pamahalaan. 

"Kasi maglilikha ito ng bagong kwento na puwede pang paborable pa ang ating mga kababayan sa recruitment ng terorista 'pag hindi natin inayos itong kuwento ng Marawi," sabi ni Hataman. 

Naniniwala rin si Hataman na imbes na unahin ang bitay at iba pang panukala, mas pagtuunan ng pansin ang compensation bill para sa mga biktima at naapektuhan ng Marawi siege.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.