PatrolPH

Jeepney transport group nakukulangan sa dagdag-ruta na ipinatupad ng LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2020 02:36 PM

MAYNILA - Nakukulangan ang grupong PISTON sa naging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa pagpayag sa halos 2,000 pampasaherong jeep na pumasada sa 17 ruta, na umarangkada ngayong Miyerkoles. 

Ayon kay PISTON president George San Mateo, dapat nang payagan ng LTFRB ang 75,000 pampasaherong jeep na bumiyahe imbes na utay-utayin ang bilang ng mga papasada.

Kahilingan anya ng PISTON na 100 porsiyento ng jeep ang payagan makabiyahe sa ruta na alinsunod sa kanilang mga prangkisa.

Pinuna rin ni San Mateo ang gobyerno sa aniya'y mga pahirap na mga panuntunan sa jeepney drivers at operators maging sa mga pasahero dahil hindi sila pinapayagang pumasada.

"Unang una sa lahat kulang na kulang yung 1,900 na pinababalik pasada ng LTFRB ngayong araw na ito kahit idagdag mo pa yung nauna noong Hulyo 1 na 6,000 jeepneys. Ngayon ay [pinayagang makabiyahe ang] 1,900. Sa kabuuan ay 7900 lang yan so malayong malayo yan sa 75,000 jeepneys sa [buong] Metro Manila," ani San Mateo. 

"Ang kailangan po natin 100 percent na balik-pasada ang lahat ng jeepney. ang kailangan namin ay zero phaseout ng mga jeepney," ani San Mateo. 

Nitong Martes, inaprubahan ng LTFRB ang 17 dagdag na ruta sa Metro Manila para sa tradisyunal na jeep, kung saan pasusunurin nila sa health protocols ang mga sasakyang papayagang pumasada. 

Natigil sa pamamasada ang mga jeep gawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) lockdown para limitahan ang paggalaw ng mga tao at maiwasan ang hawahan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.