PatrolPH

Iba pang trabaho para sa COVID-19 response, target maisama sa TUPAD program ng DOLE

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2020 11:52 PM

MAYNILA - Iba pang trabaho na may kinalaman sa COVID-19 response ay target na maisama sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) program, sakaling maipasa ang Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2) bill.

Binigyang diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Miyerkoles ang kahalagahan ng pagpasa ng Bayanihan 2 bill na layong makapaglaan ng nasa P140 bilyon ang gobyerno para sa COVID-19 response.

Ayon kay DOLE Usec. Joji Aragon, sa ilalim ng bill, mabibigyan ng dagdag na pondo ang DOLE para mapalawak nito ang mga programa para sa mga nawalan ng trabaho kagaya ng TUPAD program.

Sa programang ito, tumutulong ang DOLE para sa emergency employment, at sa kasalukuyan, mga trabaho sa community at economic projects na may kinalaman sa maintenance o di kaya rehabilitation ng infrastructure projects at maging agro-forestry activities ang sakop ng TUPAD.

Sakaling maipasa ang Bayanihan 2, madagdagan ng mga iba pang uri ng trabaho ang TUPAD program, ayon kay Aragon.

“Sa ngayon, kami na gawin pong, for example, na gawin ang data encoding, kung may backlog tayo doon sa pag-iinput ng COVID-19 cases, pwede rin ho kami pumasok sa contact tracing. Pwede kami pumasok sa occupational safety and health," aniya.

Saad ni Aragon, kailangan mas maging relevant o kapaki-pakinabang ang TUPAD program at maisama dito ang mga trabahong pinakakailangan ng gobyerno ngayong may panahon ng pandemya.

Target ng programa na unahin ang barangay emergency employment program sa mga probinsya kung saan marami rin ang nawalan ng trabaho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.