High-value drug target arestado sa Dumaguete; P3.4-M halaga ng shabu narekober

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2020 04:06 PM

Nakuha mula sa high-value target na suspek ang kalahating kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Dumaguete City. Larawan mula kay Roy Ortega

Arestado ang isang 27 anyos na itinuturing na high-value target ng awtoridad sa ikinasang buy-bust operation kung saan narekober din ang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa Dumaguete City. 

Ayon sa ulat, Martes ng gabi nang ikasa ng Provincial Drug Enforcement Unit at ng Dumaguete Police ang buy-bust sa Barangay Cadawinon. 

Nakuha sa suspek ang kalahating kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3.4 milyon. 

Bukod sa droga, nakumpiska rin ng awtoridad mula sa suspek ang isang digital weighing scale. 

Dagdag ng pulisya, nahuli na noong nakaraang taon ang suspek dahil sa pagbebenta ng droga pero nakalabas matapos ang plea bargaining. 

Responsable rin umano ang suspek sa pagbibigay ng supply ng droga sa ilang lungsod sa lalawigan. 

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.