2 patay, 2 nawawala matapos tangayin ng agos sa overflow bridge sa N. Occidental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2020 07:36 PM

Sa still image na mula sa kuhang video ni Jenelyn Herrera Paunal makikita ang isang tricycle na halos nasa gitna ng rumaragasang tubig mula sa overflow sa bayan ng Moises Padilla sa Negros Occidental. Larawan hango sa video ni Jenelyn Herrera Paunal

Dalawa ang patay habang dalawang iba pa ang nawawala matapos silang tangayin ng tubig mula sa overflow bridge sa Barangay Montilla sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental, Martes ng hapon. 

Miyerkoles ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng 17 anyos na si Danilo Banaag habang hapon na nang makita ang mga labi ni Roldan Banaag Sr., 50 anyos. 

Ayon kay Reynald Horegue, ang Local Disaster Risk Reduction Management Officer ng Moises Padilla, sakay ng dalawang tricycle ang isang pamilya mula sa isang birthday party sa Sitio Hiniwaan sa Barangay Magallon Cadre. 

Patungo sana sila sa Sitio Kabayasan sa Barangay Montilla nang abutan ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa overflow bridge na bahagi ng Binalbagan River. 

Sa video na kuha ng kaanak ng mga biktima, makikita ang pagkatangay sa ilog ng isa sa dalawang tricycle kung saan nakasakay ang dalawang nasawi, kasama sina Jovelyn Banaag, 48 at Edmund Samson, 17.

Pito naman sa kanilang mga kasamahan ang nakaligtas. 

Patuloy pa ang awtoridad sa paghahanap sa dalawa pang nawawalang kaanak ng pamilya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.