PCSO tuloy ang charity work sa kabila ng gaming ban

ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2019 07:36 PM | Updated as of Jul 30 2019 02:29 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magpapatuloy pa rin ang paghahatid ng tulong ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga nangangailangan, ayon sa opisyal ng ahensiya. 

Ito ay sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang lotto at small-town lottery na pinatatakbo ng ahensiya dahil sa umano ay katiwalian.

"Sana po maintindihan po ng mga kababayan natin at ang charity assistance naman po natin ay tuloy-tuloy pa rin," sabi ngayong Lunes ni PCSO General Manager Royina Garma.

Mananatili rin daw na bukas ang PCSO para sa mga kukubra ng panalo sa mga nakataya sa lotto at Keno bago pa iutos ang suspensiyon ng gaming ng PCSO.

Humingi rin ng dispensa sa publiko si Garma kung may naabala man o nagbabagalan sa kasalukuyang proseso.

"Sana po maunawaan niyo po ang sitwasyon namin ngayon. Humihingi rin po kami ng dispensa kung may mga delay sa delivery of service at pag-claim ng prices dahil po nasa stage po kami na inaayos namin based on the order of the President," ani Garma.

Ayon pa kay Garma, suportado nila ang desisyon ni Duterte at naniniwala silang panandalian lamang ito.

Sa datos na nilikon ng ABS-CBN Data Analytics, noong nakaraang taon, P19 bilyon mula sa kabuuang kita ng PCSO ang napunta sa charity fund.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumagsa naman ngayong Lunes ang mga pasyente sa PCSO assistance office sa Quezon City para humingi ng tulong-pinansiyal sa kani-kanilang pagpapagamot.

Isa ang 66 anyos na si Miriam Gungon sa mga nabibigyan ng tulong para sa kaniyang pagpapa-dialysis.

Nasa P2,200 ang ginagastos ni Gungon sa kada treatment. Dalawang beses siya kada linggo kung magpa-dialysis.

Pambili naman ni Lillian Chavez, 69, ng maintenance na gamot ang pera mula PCSO para sa kaniyang iniindang mga sakit gaya ng high blood.

"Malaking tulong po ito sa amin," ani Chavez. -- Ulat nina Jorge Cariño, Kevin Manalo, at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.